Ibinasura ng Department of Health (DOH) ang hirit ng mga gobernador na ipagpaliban sa susunod na buwan ang pilot implementation ng alert level system sa mga lalawigan.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nag-umpisa na ang implementasyon ng alert level system sa labas ng Metro Manila at nangongolekta na ng datos ang Department of Interior and Local Government (DILG) para rito.

“This was a decision of the Inter-Agency Task Force at sa pagkakaalam ko nag-umpisa na tayo doon sa petsa na napagkasunduan. Kausap po natin ang DILG and in our feedback nag-umpisa na yung mga areas and ngayon nagko-collect na sila ng data regarding the implementation,” ani Vergeire.

Nauna rito, hiniling ng League of Provinces of the Philippines sa IATF na ikonsulta muna sa kanila ang mga desisyon para sa implementasyon ng alert level system sa labas ng Metro Manila.

Sinagot naman ng Palasyo ang hirit ng mga gobernador na kinonsulta ng IATF at DILG ang mga lokal na opisyal kung saan ginawa ang pilot implementation bago ipinatupad ang sistema sa quarantine classification laban sa COVID-19 pandemic.

Iginiit ni Presidential Spokesman Harry Roque na direktang kinausap ang local executives ng mga lugar bago ipinatupad ang alert level system kaya wala siyang nakikitang problema hinggil dito dahil hindi naman sa lahat ng probinsya sa Pilipinas ipinatupad ang bagong sistema kundi iilan-ilan pa lamang na mga probinsiya.

The post DOH tinabla hirit ng mga gobernador first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/doh-tinabla-hirit-ng-mga-gobernador/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=doh-tinabla-hirit-ng-mga-gobernador)