Hindi uubra ang ugali ni Senador Dick Gordon sakaling malipat ito sa Hudikatura dahil posibleng mapahamak pa ito.

Inihayag ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang Talk to the People kaugnay sa patuloy na iringan nila ni Gordon dahil sa hindi matapos-tapos na imbestigasyon ng kanyang Senate Blue Ribbon Committee.

Sinabi ng Pangulo na kapag ginawa ng senador ang pagsigaw-sigaw sa hudikatura ay baka ang sheriff pa mismo ang babaril dito dahil sa ugali nito sa mga ipinapatawag sa Senado.

“Ito dapat si Gordon, maglipat sita sa judiciary kasi doon siya magsigaw-sigaw at baka sa awa sa kanya ng — ang sheriff pa ang babaril sa kanya,” anang Pangulo.

Nakita naman aniya ng taong bayan kung paano insultuhin ni Gordon ang mga ipinapatawag sa hearing ng kanyang Senate Blue Ribbon Committee at pinagmumukhang walang alam ang mga kaharap na sa judge lamang naririnig.

Sinabi ni Pangulong Duterte na kapag siya ang ipinatawag sa Senado at sigaw-sigawan ng senador ay hindi niya ito palalampasin at magmumurahan aniya sila sa loob ng senado.

“Kung sakali na ako ang natawag, hindi mo ako masigawan ng ganoon, magsigawan tayo. Kulungin na ninyo ako hanggang gusto ninyo. Pero I will not allow you to shout at me at hindi ako papayag ng ganoon. Magmurahan tayo diyan sa loob,” dagdag ng Pangulo. (Aileen Taliping)

The post Duterte: Dick ‘pag naging judge mapapahamak sa ugali first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-dick-pag-naging-judge-mapapahamak-sa-ugali/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-dick-pag-naging-judge-mapapahamak-sa-ugali)