Hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senador Dick Gordon na dalhin sa korte ang mga reklamo nito kaugnay sa mga biniling medical supplies para masagot ito.

Sa harap na rin ito ng pahayag umano ng senador na “stupid” ang inilabas na memorandum ng Pangulo na nagbabawal sa kanyang mga gabinete na dumalo pa sa hindi matapos-tapos na imbestigasyon ng komite ni Gordon sa umano’y anomalya sa pagbili ng medical supplies para magamit laban sa COVID-19.

Sinabi ng Pangulo na sinasayang ni Gordon ang oras ng mga cabinet official dahil hindi naman agad isinasalang ang mga ito kapag ipinatawag sa senado.

“You call my memorandum stupid? Well, I challenge you: bring your arguments to the proper court and I will answer you,” anang Pangulo.

Mabuti pa aniya ang mga doktor dahil alam at naiintindihan nila ang proseso hindi kagaya ng senador na paulit-ulit ang ginagawang mga pagtatanong sa ipinapatawag na mga opisyal ng ehekutibo.

“We welcome the call of the Philippine Physicians that this matter should be immediately given to our courts of the Ombudsman. Mabuti pa ang mga doktor alam at naiintindihan nila,” dagdag ng Pangulo.

Dapat aniyang isampa sa korte ang kaso kung may nakitang mabigat na batayan ang ginagawang imbestigasyon ng Senado.

Naniniwala si Pangulong Duterte na ginagamit na lamang ni Gordon ang imbestigasyon para sa politika lalo na at kakandidato ito muli sa pagka-senador.

Wala na aniyang mahanap na isyu ang senado kaya pinapatagal ang imbestigasyon bakasakali makatisod ng ibubutas laban sa ehekutibo.

“File cases us the right way to go. Stop using this issue in aid of election. Problema kasi sa senate natin trying hard maghanap ng mga issue na may nangungurakot o kaya may nagkakapera,” wika ng Pangulo. (Aileen Taliping)

The post Duterte hinamon si Dick: Dalhin sa korte reklamo sa gobyerno first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-hinamon-si-dick-dalhin-sa-korte-reklamo-sa-gobyerno/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-hinamon-si-dick-dalhin-sa-korte-reklamo-sa-gobyerno)