Hindi aatrasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pananakot ni Senador Dick Gordon kaugnay sa patuloy na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Commitee sa mga biniling medical supplies ng gobyerno para sa COVID pandemic.

Sa kanyang Talk to the People, hinamon ng Pangulo si Gordon na gawin ang mga sinasabi nito sa halip na mga puro pagbabanta.

Hindi aniya siya matatakot ni Gordon dahil hindi nito uurungan ang senador.

“Alam mo dito sa gobyerno suplado, takutan. Gordon susmaryosep ka. Know where you come from at alamin naman ninyo kung saan kami galing. Kumakain kami ng atay doon sa amin, sa totoo lang. Tanungin mo yung mga military. Iyong mga ano doon kinakain namin. Iyong sa yo takutan lang eh,” anang Pangulo.

Hinamon ng Presidente si Gordon na mag-showdown na lamang sila sa halip na puro pagbabanta at magharap para matapos na aniya ang kayabangan nito.

“Let’s have a showdown, sige. Mahusay naman kayo sa mga threatening, threatening ,threatening. Let us have a confrontation para matapos na yung hangin mo,” dagdag ng Pangulo.

Mistulang nagsumbong ang Presidente sa publiko dahil sa pagiging abusado umano ng ilang mga nakaupong inihalal ng taongbayan.

“Mga kababayan ko,tingnan ninyo itong mga abusado na akala ninyo mga Diyos sila — threatening,threatening,” wika ng Pangulo. (Aileen Taliping)

The post Duterte kay Gordon: Hindi mo kami matatakot, kumakain kami ng atay! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-kay-gordon-hindi-mo-kami-matatakot-kumakain-kami-ng-atay/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-kay-gordon-hindi-mo-kami-matatakot-kumakain-kami-ng-atay)