Nanindigan ang Malacañang na ang Sara-Go tandem ang nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na maitulak sa darating na eleksyon.

Tugon ito ng Palasyo sa harap ng paghahain ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ng kanyang kandidatura para sa kanyang re-election sa Davao City.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na makakapagsalita lamang ito para sa Presidente kung saan ang tambalan ng kanyang anak at ni Senador Go ang nararapat para sa 2022 elections.

“I can only speak for the President, as far as the President is concerned, he thinks it will be a Sara-Go tandem, but that is as far as the President is concerned,’ ani Roque.

Bagamat nakapagsumite na ng kanyang certificate of candidacy si Mayor Sara, sinabi ni Roque na abogado ang alkalde at alam nito na maaaring bawiin ang inihaing COC sakaling magbago ang isip nito.

“Alam ko na nag-file naman ng certificate of candidacy pero all lawyers know that all certificates of candidacy can be withdrawn,” dagdag ni Roque.

Kasabay nito, pinawi ng kalihim ang mga haka-haka na posibleng tumakbo muli ang Presidente sa pagka-pangulo o kaya ay bise -presidente at hindi maiwasang maglaban sila ng kanyang dating top aide.

“Sa mga skeptics,nandiyan po ang Saligang Batas na nagsasabing walang re-election ang President at sa tingin ko naman hindi lalabanan ni Presidente ang kanyang matalik na kaibigan at matagal na nanilbihan sa kanya na si Senator Go,” wika ni Roque.

Kahit pa aniya mayroong clamor o mga panawagan para tumakbo muli si Pangulong Duterte, nagsabi na ang Pangulo na magreretiro na ito sa pulitika.

The post Duterte manok ang ‘Sara-Go’ tandem – Palasyo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-manok-ang-sara-go-tandem-palasyo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-manok-ang-sara-go-tandem-palasyo)