Hindi babawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang utos sa kanyang mga gabinete na huwag siputin ang mga patawag ng Senado kaugnay sa patuloy na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.

Sinabi ng Pangulo na halos araw-araw ay may dumarating na bakuna sa bansa kaya dapat may peronal na superbisyon si Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez sa halip na nakatengga sa imbestigasyon ni Senador Dick Gordon.

Inaantala aniya at inilalagay sa alanganin ng mga senador ang tamang pangangasiwa sa mga dumarating na COVID vaccines dahil sa panay-panay na pagpapatawag kay Secrcetary Galvez at maging kay Health Secretary Francisco Duque III.

“There ain’t no way that I will withdraw it. You can do your worst and I will do mine. Kayo ang nag-umpisa nito eh. May trabaho itong si Secretary Galvez tapos ganon ang gawain ninyo. You know, you derail the proper handling and delivery of the vaccines,” anang Pangulo.

Nais ni Pangulong Duterte na dumulog sa Supreme Court ang mga senador at kuwestiyunin ang kanyang utos sa mga gabinete para makita ng kataaas-taasang hukuman ang asal ng mga ito at maitala sa kasaysayan kung paano tratuhin ng mga senador ang kanilang resource speakers sa imbestigasyon.

Tinawag ni Pangulong Duterte na walang kakuwenta-kuwenta ang ginagawang pagpapatawag sa kanyang mga gabinete na aniya ay isang uri na ng kabulastugan.

“That’s why I wanted them to go to the Supreme Court. Gusto kong makita ang footage ng behavior nila during.. I want it recorded in history, iyong pangyayari sa Senate and how they behave badly,” dagdag ng Pangulo.

Umani ng kritisismo mula sa mga senador at maging sa Integrated Bar of the Philippines ang inilabas na memorandum ni Pangulong Duterte na lalo lamang umanong makapagpalala sa iringan sa pagitan ng ehekutibo at lehislatibo. (Aileen Taliping)

The post Duterte nagmatigas, di babawiin utos sa mga gabinete na wag sumipot sa Senado first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-nagmatigas-di-babawiin-utos-sa-mga-gabinete-na-wag-sumipot-sa-senado/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-nagmatigas-di-babawiin-utos-sa-mga-gabinete-na-wag-sumipot-sa-senado)