Pinagsabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang publiko na nagbabalak magpaturok ng dagdag na COVID vaccine bilang booster shot na huwag agawan ang iba pang Pilipinong hindi pa nababakunahan.

Sinabi ng Pangulo na may mga impormasyong sumobra sa dalawa ang bakuna ang ilang personalidad kaya nakiusap ito na huwag agawan ng proteksiyon ang ibang mamamayan.

“Tama na ‘yung dalawang doses, ‘wag ninyong sobrahan, delikado. You deprive your countrymen, the others na hindi pa, sa isang bakuna na maibigay doon sa kapwa mo,” anang Pangulo.

Wala aniyang kasiguruhan na nakakadagdag ng proteksiyon ang sobra sa dalawang COVID vaccine bagkus ay baka lalong tamaan ng virus.

Sinabi ni Pangulong Duterte na marami pang Pilipino ang naghihintay ng bakuna laban sa COVID-19 kaya dapat magkaroon ng konting malasakit sa kapwa ang mga nag-iisip na magdagdag ng bakuna bilang booster shot.

Sa katunayan ayon sa Presidente ay masama ang masobrahan sa antibodies batay sa pahayag ng mga eksperto dahil baka sa halip na proteksiyon ay mauwi sa peligro ang paghahangad na magkaroon ng booster shot laban sa COVID-19.

“If you really want a multiple vaccine, have yourself checked. Eh ang mayroon huwag mong sobrahan kasi masama. It is not good. Iyong iba kasi nagpapaano eh, segurista. But any doctor would tell you that it is bad, bad as bad,” wika ng Pangulo.

Matatandaang napaulat na mayroong politikong nagpaturok ng dagdag na COVID vaccine dahil kahit bakunado na ay tinamaan pa rin umano ng mabagsik na virus.

The post Duterte sa mga gustong paturok uli: Huwag gahaman first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-sa-mga-gustong-paturok-uli-huwag-gahaman/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-sa-mga-gustong-paturok-uli-huwag-gahaman)