Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibasura sa darating na eleksyon ang mga bastos na senador at senadora.

Sa kanyang Talk to the People, sinabi ng Pangulo na alam na ng publiko kung sino ang mga mambabatas na sobra kung umasta sa harap ng publiko at kung sino ang naninigaw sa kapwa Pilipino.

“Tingnan na lang ninyo kung sino yung Pilipino na magsigaw-sigaw sa kapwa Pilipino niya, tapos yung iba ganon rin, may mga babae ganoon rin kabastos. May inidoro naman diyan sa –fictional bowl for you. Mga Pilipino, alam nila kung saan kayo ilagay,” anang Pangulo.

Sinabi ng Presidente na palitan na ng bago ang mga mambabatas na matagal nang nakaupo sa puwesto at walang bago sa ginagawa ng mga ito sa matagal ng panahon.

Pinayuhan ni Pangulong Duterte ang publiko na huwag kumuha ng matatalino, bagkus ay piliin ang mga ordinaryong Pilipino dahil higit na mas makakatulong ang mga ito at alam ang tunay na pulso ng ordinaryong mamamayan.

“Huwag kayo kumuha ng mga bright, brilliant ganoon. Maghanap kayo ng kandidato na ordinaryo na Pilipino. Bigyan ninyo ng panahon at ipakita rin niya. You are better off with ordinary-minded Filipinos,” dagdag ng Pangulo.

Sinabi ng Presidente na panahon na para itama ang nakagawiang hindi magandang ginagawa ng mga nakaupo sa lehislatura sa pamamagitan ng hindi pagboto sa mga ito sa darating na eleksyon.

“Panahon na talaga na I’d like to advise the Filipinos na palitan na ninyo. Paano? Huwag ninyong iboto,” wika ng Pangulo.(Aileen Taliping)

The post Duterte sa publiko: Mga bastos sa Senado, i-flush sa inidoro first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-sa-publiko-mga-bastos-sa-senado-i-flush-sa-inidoro/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-sa-publiko-mga-bastos-sa-senado-i-flush-sa-inidoro)