Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang publiko na maging matalino sa pagpili ng mga iboboto sa darating na eleksiyon at huwag ang mga pabalik-balik na sa puwesto.

Sinabi ng Pangulo na huwag ng ihalal ang mga dati at matagal ng mga mambabatas at sa halip ay pumili ng mga bagong sibol na lingkod bayan na magtatrabaho para sa kapakanan ng sambayanan at hindi para sa kanilang mga pansarili interes.

“Mga kababayan ko dito tayo sa kampo na tama, huwag kayo doon sa kampo ng mali. Mamili kayo ng mga bagong opisyal, senador basta yung bago. They might be government officials, past or present, but try to scout new faces,” anang Pangulo.

Direktang tinukoy ng Pangulo si Senador Richard Gordon na pabalik-balik na aniya sa senado pero wala namang napala ang taongbayan mula sa senador.

” Huwag yang pabalik-balik, susmaryosep, kagaya kay Gordon. Anong nakuha ninyo kay Gordon? Eh di PDAF. Pati mukha niya nilagay sa ambulansiya,” dagdag ng Pangulo.

Matatandaang inihayag ni Pangulong Duterte na personal siyang kakampanya laban kay Gordon dahil sa ginagamit umano sa pamumulitika ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Commitee para maghanap ng butas laban sa kanyang administrasyon.

Pinagdiskitahan ng Presidente ang mga ambulansiya ng Philippine Red Cross dahil sa nakabalandrang mukha ng senador sa mga sasakyan.

“Mabuti sana yung may-ari ng mukha na yan isakay sa ambulansiya,” ang banat ng Pangulo.(Aileen Taliping)

The post Duterte sa publiko: Pumili ng mga bagong opisyal, mga bagong mukha sa eleksiyon first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-sa-publiko-pumili-ng-mga-bagong-opisyal-mga-bagong-mukha-sa-eleksiyon/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-sa-publiko-pumili-ng-mga-bagong-opisyal-mga-bagong-mukha-sa-eleksiyon)