Hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Senado na magsampa ng kaso sa Ombudsman kung may napatunayang korapsiyon sa iniimbestigahang umano’y anomalya sa pagbili ng gobyerno ng medical supplies para sa pagtugon sa problema sa COVID-19.
Sa kanyang Talk to the People, sinabi ng Pangulo na sa tinagal-tagal ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ay wala pang isinampang kaso si Senador Gordon laban sa mga ipinatawag na mga opisyal ng ehekutibo.
Puro sama ng loob aniya ang inabot ng mga miyembro ng gabinete sa Senador dahil sa pagtrato sa mga ito na tila hindi mga professional.
“Ano bang na-produce ninyo? Corruption? May lumabas ba? Ngayon, iyong mga tao na tinawag ninyo, anong nangyari? Sama lang ng loob. Namura sila. May kaso kayo? I-file ninyo, may Ombudsman naman,” anang Pangulo.
Kung may makita aniyang batayan ang senador sa iniimbestigahan nito ay dapat magsampa ng kaso sa halip na puro pang-iinsulto at pambubulyaw ang ginagawa sa mga opisyal ng ehekutibo.
Sinabi ng Pangulo na hindi na panahon ng Kastila o panahon ng Amerikano na kung makapagtanong ay nakataas ang boses at may kasama pang pang-iinsulto sa mga miyembro ng gabinete.
“Hindi na panahon ng Kastila o Amerikano. You can ask the question without raising your voice or adding an insult to your remark,” dagdag ng Pangulo.
Mainam aniyang dalhin na sa Korte Suprema ang pagtatalo-talo para magkaalaman na kung maayos ba ang ginagawang paraan nang pag-iimbestiga ng mga senador sa mga opisyal ng Ehekutibo. (Aileen Taliping)
The post Duterte sa Senado: ‘May napatunayan bang korapsyon?’ first appeared on Abante TNT Breaking News.Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-sa-senado-may-napatunayan-bang-korapsyon/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-sa-senado-may-napatunayan-bang-korapsyon)
0 Mga Komento