Nakiusap si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar sa mga kakandidato sa Halalan 2022 na sundin ang COVID-19 health protocols sa paghahain ng kanilang Certificate of Candidacy (COC).

“Personal akong nakikiusap sa mga kandidato, kasama ang kanilang mga supporters, na patuloy ninyong irespeto ang mga patakaran ng Comelec at ng ating pamahalaan tungkol sa public safety sa inyong pag-file ng COC,” anang hepe sa isang pahayag.

“Dahil kung hindi, paano niyo makukumbinsi ang mga botante na magiging epektibo kayong mga lider kung ang simpleng pag-didisiplina sa inyong mga taga-suporta ay hindi ninyo magagawa,” dagdag pa niya.

Ani Eleazar, dapat kasi silang mga opisyal ang maging role model ng publiko ngayong pandemya.

“Patuloy na nakatutok ang inyong PNP sa mga susunod na araw hanggang matapos ito at pinaaalalahanan ko din ang ating mga kababayan na may gun ban tayong ipinapatupad hanggang 7 a.m. ng October 9 bilang bahagi ng ating security measures,” sambit pa niya.

Nito lamang Biyernes nang masimulang umarangkada ang paghahain ng COC.

Nakatakda itong magtapos sa Oct. 8. (VA)

The post Eleazar sa mga maghahain ng COC: Irespeto COVID safety protocols first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/eleazar-sa-mga-maghahain-ng-coc-irespeto-covid-safety-protocols/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=eleazar-sa-mga-maghahain-ng-coc-irespeto-covid-safety-protocols)