Hinimok ng chairperson ng House Committee on Labor and Employment ang gobyerno na akitin ang mga foreign brands na magtayo ng planta sa bansa matapos magsara ang mga malalaking pabrika sa Vietnam bunsod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 at kakulangan ng bakuna.
Ayon kay 1PACMAN Rep. Enrico Pineda nagkakaroon na ng delay ang produksyon ng mga brand gaya ng Crocs at Nike para sa Kapaskuhan dahil sa pagsasara ng mga planta sa Vietnam.
“Foreign businesses should be more than welcome to run their manufacturing in the Philippines. This would mean the creation of more jobs, which is much needed considering that many of our people have already found themselves unemployed due to businesses downsizing or even shutting down,” sabi ni Pineda.
Maaari umanong itayo ang mga planta sa mga economic zone at magpatupad ng bubble scheme para sa mga empleyado nito upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
“This is my suggestion, as the safety of our workers should always be of utmost concern,” dagdag pa ni Pineda.
Iminungkahi ni Pineda na pangunahan ni Trade and Industry Secretary Ramon Lopez ang inisyatibo sa paghikayat sa pagtatayo ng manufacturing plant ng mga kompanyang gumagawa ng mga branded na produkto.
Kung mayroon umanong kakailanganing batas, sinabi ni Pineda na nakahanda ang Kongreso upang gawin ito lalo at kailangan ngayon sa bansa ang dagdag na trabaho at mga aktibidad na magpapa-angat sa ekonomiya. (Billy Begas)
The post Foreign brands akitin na magtayo ng pabrika sa bansa—solon first appeared on Abante TNT Breaking News.Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/foreign-brands-akitin-na-magtayo-ng-pabrika-sa-bansa-solon/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=foreign-brands-akitin-na-magtayo-ng-pabrika-sa-bansa-solon)
0 Mga Komento