Ikinatuwa ni Senadora Risa Hontiveros ang desisyon ng Department of Health (DOH) na huwag munang makipag-transaksyon sa kontrobersyal na Pharmally Pharmaceutical Corp. dahil sa pag-supply na depektibo o expired nang mga medical supply para sa pandemya.

“Salamat at nakinig ang Department of Health sa panawagang huwag munang makipagtransaksyon ang gobyerno sa Pharmally. Buhay ng mga frontliners ang nakataya dito,” sabi ni Hontiveros.

Kung sakaling mapatunayang substandard ang mga deliveries ng Pharmally, sinabi ni Hontiveros na dapat ma-blacklist na rin ang naturang kompanya.

“Namumuro na sila: may ebidensya na sa pamemeke ng certificates ng face shields, nag-deliver ng nearly expired RT-PCR test kits, at may umamin, deretsahan, na iniisahan nila ang gobyerno,” diin ng senadora.

Suportado din ni Hontiveros ang angkop na legal na aksyong gagawin ng DOH laban sa Pharmally matapos umamin si Krizle Mago na pinalitan nila ang mga expired certificate ng face shield.

“Dahil na rin sa testimonya ng isang Pharmally warehouse staff na lumapit sa aking opisina, napaamin tuloy si Pharmally executive Krizle Mago na totoong pinapalitan nila ang mga expired certificates ng face shields. Hindi na nya mababawi yan,” ani Hontiveros.

Muli rin itong nanawagan sa PS-DBM na suspendihin na ang kanilang transaksyon sa Pharmally, “lalo na at napakaraming nabubunyag sa Senado.”

“Sumunod sana sila sa yapak ng DOH dahil hindi na dapat pagbigyan pa ang kumpanyang ito,” panawagan ni Hontiveros.

“Titiyakin nating hindi mapupunta sa wala ang imbestigasyon natin sa Senado. Hindi tayo titigil hangga’t walang nananagot sa perwisyong dala ng Pharmally. We will not let the Filipino people down,” saad pa nito. (Dindo Matining)

The post Hontiveros sa PS-DBM: Suspendihin transaksyon sa Pharmally. first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/hontiveros-sa-ps-dbm-suspendihin-transaksyon-sa-pharmally/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=hontiveros-sa-ps-dbm-suspendihin-transaksyon-sa-pharmally)