Bukas si House Committee on Energy chairperson at Pampanga Rep. Juan Miguel Arroyo sa panukala ng Department of Energy (DOE) na amyendahan ang Oil Deregulation Law (RA 8479) matapos ang ikawalong sunod na pagtataas sa presyo ng produktong petrolyo.

Nakatanggap si Arroyo ng sulat mula kay Energy Secretary Alfonso Cusi III na humihiling sa pag-amyenda sa RA 8479 upang makagawa umano ng hakbang ang gobyerno na masawata ang biglaang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

“I have long pushed for a special mechanism to prevent overpricing in emergency situations. The Oil Deregulation Law does not give oil companies blanket authority to take advantage of consumers,” sabi ni Arroyo.

Itinulak din ni Cusi ang pagpasa ng batas upang malaman kung anu-ano ang ipinapatong ng mga kompanya ng langis sa kanilang ibinebenta sa publiko.

Sa nakaraang dalawang buwan ay umakyat ng mahigit P7 ang presyo ng bawat litro ng produktong petrolyo at ang presyo ng premium gasoline ay malapit na sa record high na P70/litro.

Paliwanag ni Cusi ang pagtaas ng presyo ay bunsod ng mataas na demand. Aniya, ang global demand ay tinatayang 103.22 milyong bareles kada araw hanggang noong Oktobre 16 samantalang ang suplay ay nasa 100.32 milyong bareles kada araw lamang.

Sinabi ni Cusi na ang presyo sa pandaigdigang pamilihan ngayon ay hindi nalalayo sa presyuhan noong 2018 pero mas mahal umano ng P9 hanggang P12 ang kada litro na ibinebenta sa mga gasolinahan.

Sinuportahan ni Arroyo ang pangangailangan na masuri ang mga financial books ng mga kompanya ng langis para makita kung sinasamantala nito ang krisis para kumita ng malaki. (Billy Begas)

The post House Energy committee chief bukas sa pag-amyenda sa Oil Deregulation law first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/house-energy-committee-chief-bukas-sa-pag-amyenda-sa-oil-deregulation-law/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=house-energy-committee-chief-bukas-sa-pag-amyenda-sa-oil-deregulation-law)