Dahil sa pagpalo ng utang ng Pilipinas sa P11.642 trilyon nitong Agosto, nasa P106,000 na ngayon ang utang ng bawat Pilipino, ayon sa economic think tank na IBON Foundation.

Sa panayam ng Dobol B TV kay IBON executive director Jose Enrique ‘Sonny’ Africa, sinabi nito na ang P11.642 trilyon na pinaghati-hati sa 109 milyon katao sa bansa, P106,000 ang kalalabasan.

“Kung kada pamilya [nasa] P470,000, halos kalahating milyong piso,” wika ni Africa.

Lumago ng P32.05 milyon ang utang ng bansa noong Agosto kumpara noong Hulyo dahil sa pangungutang upang mapunan ang pangangailangan sa gitna ng pandemya.

Ani Africa, wala namang masama sa pangungutang kung ang paglalaanan nito ay makakalikha ng pagkakakitaan ng pamahalaan na maaaring ipambayad sa utang.

“Nagkakaproblema kung uutang ka tapos napupunta lang sa kickback, napupunta lang sa imprastraktura na hindi naman nagagamit,” aniya.

“Actually, sa buong mundo, lahat ng mga gobyerno, lahat ng mga bansa, tuloy-tuloy ang paglaki ng utang kasi ginagamit nila para patakbuhin ang kanilang ekonomiya. Ang problema sa Pilipinas, palaki nang palaki ang utang pero ang kakayahan nating magbayad hindi naman… Walang kaakibat na paglaki,” dugtong pa ni Africa.

The post IBON Foundation: Kada Pinoy may utang na P106K first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ibon-foundation-kada-pinoy-may-utang-na-p106k/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ibon-foundation-kada-pinoy-may-utang-na-p106k)