Nanawagan si House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate sa Kamara de Representantes na simulan na ang imbestigasyon kaugnay ng anomalya sa transaksyon para sa distribusyon ng multi-bilyong social amelioration program (SAP).

Umapela si Zarate sa House Committees on Good Government and Public Accountability at on Public Accounts na dingin na ang House Resolution 2146 na inihain ng mga miyembro ng Makabayan bloc noong Agosto.

Sinabi ni Zarate na bukod sa mabagal na distribusyon ng SAP, dapat ding malaman kung mayroong nagsamantala upang pagkakitaan ito.

“Are these funds deposited in private banks and used to gather interests? Hindi maaaring babagal-bagal sa pamamahagi ng ayuda sa mga naghihirap nating kababayan dahil buhay at kamatayan para sa kanila ang nakataya dito at di dapat pinagkakakitaan,” sabi ni Zarate.

Noong Agosto ay muling isinailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila pero natapos umano ang distribusyon ng SAP makalipas lamang ang dalawang buwan.

The post Imbestigasyon sa SAP distribution simulan na – Zarate first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/imbestigasyon-sa-sap-distribution-simulan-na-zarate/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=imbestigasyon-sa-sap-distribution-simulan-na-zarate)