Pinasaringan ni labor leader at presidential aspirant Ka Leody De Guzman si Bise Presidente Leni Robredo bilang siyang tunay na humati sa oposisyon imbis na pag-isahin ito para sa 2022 elections.

Sa kanyang Facebook post, pinagtanggol ni De Guzman ang sarili mula sa mga paratang na hahatiin lamang niya ang boto ni Robredo.

“Kung mayroon mang nanghati, ito ay si Leni mismo. Nang kausapin nya si Pacquiao at si Isko para magsama sama daw ang oposisyon,” saad post ni De Guzman.

“Sa ginawa nya, nabendisyunan si Pacquiao at si Isko na oposisyon din. At dahil sa tagal nyang mag desisyon sa pagtakbo, marami sa mga nainip ang lumipat kay Isko at Paquiao,” dugtong pa ng labor leader.

Binira din ni De Guzman ang naging pahayag ng bise presidente na tumakbo siya para pigilang magbalik sa Palasyo ang isang Marcos o ang isang Duterte sa 2022.

Pagmamalaki ni Ka Leody, lagpas sa pinaglalaban ni Robredo ang kanyang prinsipyo dahil kahit mapigilan pa umano ang pagbabalik ng isang Marcos o Duterte sa Palasyo ngunit kung wala pa ring pagbabago ay hindi pa rin uunlad ang bansa.

“Ayaw ko nang maulit ang masamang karanasan ng pagsuporta ng taong bayan kay Cory laban kay Marcos at kay Gloria laban naman kay Erap. Walang napala ang taong bayan, nagpatuloy lang ang kahirapan at kaapihan ng mamamayan,” dugtong pa ni De Guzman. (mjd)

https://www.facebook.com/leody.q.deguzman/posts/10219489863132545

The post Ka Leody: Si Leni tunay na humati sa oposisyon first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ka-leody-si-leni-tunay-na-humati-sa-oposisyon/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ka-leody-si-leni-tunay-na-humati-sa-oposisyon)