Ipinagtataka ng kampo ni Bise Presidente Leni Robredo kung bakit siya ang inaatake ng tirada ng iba pang presidential aspirant gayong hindi naman kataasan ang ranggo niya pagdating sa mga nakaraang survey.
“Mula noong nagdeklara si VP Leni, di ba sinasabi ng mga tao bumubuntot naman sa survey ‘yan, hindi malakas ‘yan. Pero bakit parang ang napapansin ko lang…halos lahat yata ng ibang mga kandidato siya ‘yung binabanatan, siya ang pinupuntirya,” wika ng tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez.
Batay sa mga nakaraang presidential survey, nangunguna pa rin sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, dating senador Bongbong Marcos, Manila Mayor Isko Moreno at Senador Manny Pacquiao.
Sa likod pa lamang ng mga nabanggit na pangalan naroon si Robredo na nakakuha lang ng 8 percent.
Ngunit mula raw ng naghain ng kanyang kandidatura si Robredo ay binabato na ito ng iba pang presidential aspirant.
Sa kabila nito, nagpapasalamat si Gutierrez sa suporta na kanilang nakukuha.
“Ang inaasahan namin at ang kinatutuwa namin ay iyong suporta ng ordinaryong mamamayan. Iyong mga lumabas nang nagsimula noong Huwebes,” dagdag pa niya. (mjd)
The post Kung kulelat sa survey, bakit si VP Leni binabato? – spox first appeared on Abante TNT Breaking News.Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/kung-kulelat-sa-survey-bakit-si-vp-leni-binabato-spox/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=kung-kulelat-sa-survey-bakit-si-vp-leni-binabato-spox)
0 Mga Komento