Sinabi ni Vice President Leni Robredo na ayaw niyang patulan ang mga tirada ni Manila Mayor Isko Moreno dahil malaki aniya ang problema ng Pilipinas na mas dapat niyang pagtuunan ng pansin.

“Ayoko nang pumatol kasi mas malaki ‘yung mga problema natin… Tingin ko wala naman itong mapupuntahan,” lahad niya.

“Gaya ng sabi ko, hindi lang kay Mayor Isko, ang dami kong nilapitan para maghanap ng avenue para magkaisa… kaya nga ako naghahanap ng pagkakaisa kasi gusto natin na focused tayo sa tunay na kalaban… So hindi na lang ako papatol,” patuloy niya.

Matatandaang rumesbak si Moreno sa naging pahayag ni Robredo na kabilang sa dahilan kaya nagdesisyon siyang tumakbo sa pagka-pangulo ang pagkampi ng alkalde sa mga Marcos.

Tinawag ni Moreno na “pekeng leader na may pekeng kulay” si Robredo.

Nilinaw din ni Moreno na naging estilo na niya na makipagkasundo sa mga nagdaang administrasyon at makabuo ng puwersa na aayos sa mga suliranin sa Maynila.

Hindi raw ibig sabihin nito ay kinakalimutan na niya ang mga nagawang pagkakamali ng pamilya Marcos sa Martial Law pero ang mga tagumpay nito ay gagayahin at pauunlarin niya.

The post Leni ayaw patulan si Isko first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/leni-ayaw-patulan-si-isko/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=leni-ayaw-patulan-si-isko)