Pinag-uusapan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang posibilidad na gawin na lamang lima hanggang pitong araw ang quarantine period para sa mga umuuwing overseas Filipino workers at mga pasaherong dumarating sa bansa na kumpleto na sa COVID vaccine.

Ito ang inireport ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos ireklamo ng mga umuuwing Pilipino ang mahabang quarantine period.

Sinabi ni Año na isinasapinal na ng IATF ang plano na gawing lima hanggang pitong araw na lamang ang quarantine period.

“Sir pinag-uusapan na po sa IATF. In fact, fina-finalize lang po namin ito. Magiging five to seven days na lang po yung quarantine period sa mga vaccinated po.,” ani Año.

Ikinagalak ng Pangulo ang plano ng IATF dahil mapapaiksi na aniya ang panahon ng quarantine ng mga OFW.

Ikinuwento ng Pangulo ang karanasan ng kanyang duktor na nanggaling sa Amerika na nagtagal ng 14 araw sa hotel para sa kanyang quarantine period.

Masyado aniyang matagal ito kung ang incubation period ng COVID-19 ay makikita naman sa loob ng isang linggo.

“They were talking about the incubation period of about seven days lang. Kung pumasok sa katawan mo, at least seven days lalabas talaga yan. Kung totoo yan, eh seven days na lang,” anang Pangulo.(Aileen Taliping)

The post Lima hanggang pitong araw na quarantine period pinag-aaralan na ng IATF first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/lima-hanggang-pitong-araw-na-quarantine-period-pinag-aaralan-na-ng-iatf/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=lima-hanggang-pitong-araw-na-quarantine-period-pinag-aaralan-na-ng-iatf)