Ang paghahain ng certificate of candidacy ni Davao City Mayor Sara Duterte Carpio para muling tumakbo sa pagka-alkalde ay hindi umano nangangahulugan na hindi na maaaring magbago ang isip nito.

Kumpiyansa ang Hugpong Para kay Sara (HPS) movement na mayroon pang panahon para kumbinsihin at magbago ang isip ni Carpio upang ito ay tumakbo sa pagkapangulo sa 2022 polls.

Nagpalabas ng pahayag ang HPS isang araw matapos maghain ng kanyang COC si Carpio at sabihin ng kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte na maaari ang Sara-Go (Senator Bong Go) tandem.

Sa pag-atras umano ni Duterte sa pagtakbo sa pagkabise presidente, naniniwala ang HPS na tumaas lalo ang tyansa na tumakbo si Carpio.

Nauna ng nagsabi ni Carpio na isang Duterte lamang ang tatakbo sa national position sa 2022 elections.

Pinapayagan ng Commission on Elections (Comelec) ang substitution ng kandidato hanggang Nobyembre 15.

Sinabi ni Deputy Speaker at HPS spokesperson Bernadette Herrera na si Carpio ay nananatiling nangunguna sa mga survey at nais ng publiko na pumalit sa kanyang ama.

“The result of the latest survey shows that majority of the Filipino people still prefer Mayor Sara to be the next president for the next six years despite her reluctance to seek presidency,” sabi ni Herrera.

Sa isinagawang survey ng Pulse Asia noong Setyembre 6-11, si Carpio ay nakakuha ng 20% at sinundan nina dating Senator BongBong Marcos (15%) at Manila Mayor Isko Moreno (13%).

Ang resulta umano ng survey ay pasok sa mithiin ng HPS na kumbinsihin si Carpio na tumakbo, ayon kay Herrera.

“Mayor Sara’s reluctance to run means she has discernment– a process that includes silence, good counsel and the ability to listen to the voice of the people. This shows she is not a political opportunist,” dagdag pa ni Herrera.

Ayon kay Herrera ang klase ng pamumuno ni Carpio ang nais ng mga Pilipino upang maipagpatuloy ang mga nasimulan ng kanyang ama. (Billy Begas)

The post Mayor Sara pwede pang magbago ang isip– HPS first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mayor-sara-pwede-pang-magbago-ang-isip-hps/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mayor-sara-pwede-pang-magbago-ang-isip-hps)