Napundi na si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga patuloy na nagmamatigas at ayaw magpabakuna na mga indibidwal.

Sa kanyang Talk To the People ,inatasan ng Pangulo ang mga opisyal ng barangay na hanapin ang mga ayaw magpabakuna at akyatin kapag tulog para mabakunahan ang mga ito.

“Marami pang ayaw magpabakuna eh, yung ayaw ang problema kaya hanapin ninyo yan sa barangay ninyo, akyatin natin pagtulog at turukan natin habang natutulog para kumpleto yung istorya,” anang Pangulo.

Handa aniya nitong pangunahan ang pagtuturok sa mga indibidwal na patuloy na tumatangging magpabakuna para matapos na ang problema laban sa COVID-19.

“Kung ayaw di akyatin sa bahay, tusukin natin sa gabi, ako ang mag-ano, I will lead the journey,” dagdag ng Pangulo.

Iniulat ni Department of Health Secretary Francisco Duque III sa Pangulo na bumababa na ang mga kaso ng tinatamaan ng COVID -19 at malaking nakatulong dito ang tuloy-tuloy na pagbabakuna at ang pagsunod sa pinaiiral na basic health protocols.

Sinabi ni Pangulong Duterte na maraming dumating na supply ng COVID vaccine sa bansa kaya dapat na samantalahin na ang pagkakataon para magpabakuna para tuluyang makabangon ang bansa mula sa epekto ng pandemya.

“Meron na tayong bakuna maraming dumating, pasalamat tayo kay Secretary Galvez then we will make use of that so that we can help the country and our fellow human being,” wika ng Pangulo. (Aileen Taliping)

The post Mga ayaw pabakuna turukan habang tulog – Duterte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-ayaw-pabakuna-turukan-habang-tulog-duterte/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-ayaw-pabakuna-turukan-habang-tulog-duterte)