Hindi inaalis ang posibilidad na makalabas na sa holiday season ang mga bata kapag nagtuloy-tuloy ang pagbakuna sa mga edad 12-17.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na mangyayari lamang ito kung magtutuloy-tuloy ang pagbakuna na sisimulan sa October 15 at kapag mayroong sapat na supply ng bakuna para sa mga kabataan.

“Looking at the case data right now, kung mauumpisahan na ang pagbabakuna sa mga kabataan at kung ito ay magtutuloy-tuloy at ma-stabilize ang ating supply, mayroong posibilidad,” ani Vergeire.

Pero nakasalalay pa rin aniya ang desisyon sa mga eksperto at IATF kung papayagan na ang mga bata na makalabas sa Kapaskuhan dahil kailangang isaalang-alang ang kaligtasan ng mga ito mula sa bagsik ng COVID-19.

“Pero iyan ay pag-uusapan pa rin ng mga eksperto at IATF members,” dagdag ni Vergeire.

Batay aniya sa pagtaya ng FASSTER, pababa na ang kaso ng COVID-19 at magtutuloy-tuloy hanggang November 15 at kung magtutuloy-tuloy ito ay may magiging maganda ang Pasko ng mga Pilipino.

“If we will look at our daily cases, we will be averaging about 1,100 cases by November 15 daily cases dito sa National Capital Region. Kung magtutuloy-tuloy ang pagkontrol sa transmission, tayo po lahat ay nagho-hope that by Christmas time ay magkaroon tayo ng mas maluwag na classification and restriction sa mga kababayan,” wika ni Vergeire.

The post Mga bata posibleng makalabas na sa Pasko first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-bata-posibleng-makalabas-na-sa-pasko1/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-bata-posibleng-makalabas-na-sa-pasko1)