Pinagsabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ayaw pang magpabakuna na huwag mamili ng brand ng COVID vaccine para sila mabakunahan.

Sa kanyang Talk to the People, sinabi ng Pangulo na kung ayaw ng ibang tao ang ibinibigay ng gobyerno na brand ng COVID vaccine ay anti-rabies na lang ang ibibigay nito sa mga ito.

Marami aniyang supply ang gobyerno na anti-rabies kaya ito na lamang ang ipadala niya sa mga naghihintay pa ng Western brand na COVID vaccine.

“Ayaw ninyo ng bakuna, anti-rabies marami akong stock diyan ngayon. Pag may rabies epidemic doon sa lugar ninyo, eh di yun na lang ang ipadala ko. Ayaw ninyo ng bakuna ng ano eh,” anang Pangulo.

Binigyang-diin ng Presidente na lahat ng COVID vaccines na ginagamit ngayon ay mabisa dahil hindi papayagan ng mga eksperto na gamitin ito kung hindi makakatulong sa paglaban sa COVID-19.

Sinabi ng Pangulo na siya mismo ay gumamit ng China brand at wala namang naging epekto na ibig sabihin ay mabisa itong panlaban sa mabagsik na virus.

“Alam mo kung ang bakuna hindi effective, do you know that if these vaccines that we have been giving to the population are not really effective and right, marami ng patay ngayon,” dagdag ng Pangulo.

Maganda aniya ang resulta ng vaccination rollout dahil bumababa na ang COVID cases kaya hinimok ng Presidente ang publiko na ituloy ang pag-iingat partikular ang mask,hugas at iwas at huwag maging kampante para matapos na ang problema sa lalong madaling panahon.

“Kaya itong mga reminders with the encouraging developments in our vaccinations as with the number of new cases, we are hopeful that this will be the end of this pandemic in this country soonest,” wika ng Pangulo.

The post Mga choosy sa bakuna bigyan ng anti-rabies – Duterte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-choosy-sa-bakuna-bigyan-ng-anti-rabies-duterte/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-choosy-sa-bakuna-bigyan-ng-anti-rabies-duterte)