Malabo pang makapagsaya ang mga gimikero dahil hindi pa pinapayagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) na magbukas ang mga bar at karaoke bar.
Ito ang inihayag sa Laging Handa press briefing ni Department of Trade and Industry Undersecretary Ireneo Vizmonte sa kabila ng go signal ng IATF na magbukas na ang mas maraming negosyo at establisyimento sa ilalim ng Alert Level 3 sa Metro Manila.
Sinabi ni Vizmonte na nasa negative list pa ang mga nabanggit na negosyo gayundin ang kid amusement o mga palaruan para sa mga bata kaya hindi pa pinayagang magbukas.
Pero sa kabuuan ayon sa opisyal ay marami nang mga negosyo ang pinayagang magbukas sa Alert Level 3 na ikinatuwa ng business sector.
“Lahat po ay napapayagan nang magbukas maliban lang doon sa mga nasa negative list po natin na mga negosyo tulad po noong mga bar and mga karaoke at kid amusement — yan lamang po yung mga establisyimento na hindi pinapayagan,” ani Vizmonte.
Mahirap umanong masunod ang basic health protocols sa loob ng bar at maging sa kids amusement dahil dikit-dikit at hindi maiwasang magsiksikan lalo na kapag nagkakasayahan na ang mga ito.
The post Mga gimikero malabo pang magsaya first appeared on Abante TNT Breaking News.Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-gimikero-malabo-pang-magsaya/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-gimikero-malabo-pang-magsaya)
0 Mga Komento