Nakaligtas sa bitay ang halos 100 hippopotamus na alaga ng kilalang Colombian drug lord.

Inanunsyo ng Animal Legal Defense Fund (ALDF) na kinilala ng isang korte sa southern district ng Ohio ang mga hayop bilang legal person.

Ang desisyon ay matapos maghain ang ALDF ng aplikasyon upang payagan ang dalawang eksperto sa nonsurgical sterilization of wildlife na magbigay ng testimonya bilang suporta sa apela na ihinto ang pagkatay sa halos 100 hippopotamus ni Pablo Escobar.

Nakumbinsi ang korte na maaaring gumamit ng PZP contraceptive upang maiwasan ang patuloy na pagdami ng mga naturang hippopotamus nang hindi na kailangang patayin ang mga ito.

Pinaboran ni Judge Karen Litkovitz ang hiling ng mga nagsasakdal, ang “Community of Hippopotamuses Living in the Magdalena River”, na kinatawan ng ALDF.

Bago pumanaw si Escobar noong 1993, bumili siya ng mga exotic animal at inalagaan sa kanyang rantso, kabilang ang mga flamingo, giraffe, zebra at kangaroo.

Matapos niyang mapatay, lahat ng alaga niya, maliban sa mga hippopotamus, ay ibinenta sa mga zoo.

Naiwan ang mga hippopotamus na pagala-gala sa Hacienda Napoles ni Escobar kung saan sila dumami.

The post Mga hippopotamus ng drug lord wagi sa korte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-hippopotamus-ng-drug-lord-wagi-sa-korte/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-hippopotamus-ng-drug-lord-wagi-sa-korte)