Pinalilipat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mas ligtas na lugar ang tatlong komunidad ng mga katutubong Aeta na nasa military reservation sa Tarlac.

Sinabi ng Pangulo na mapanganib para sa mga katutubo ang tinitirhan ngayon dahil nalapit ang mga ito sa lugar kung saan ginagawa ang training exercise ng Philippine Air Force.

Sinabi ni Pangulong Duterte na delikadong matamaan ang mga katutubo kapag mayroong firing exercise na ginagawa ang mga sundalo.

“They have to be out of the range of ‘yung firing is being used for military exercise. You have the canons there, it must be far from the madding crowd, ‘ika nga, so to speak,” anang Pangulo.

Inatasan ni Pangulong Duterte si National Housing Authority General Manager Marcelino Escalada na ilipat sa mas ligtas na lugar ang mga katutubo at bigyan ng mga bahay.

“Hindi puwede na hindi sila aalis doon. That’s not good. Sabihin mo sa kanila umalis sila bigyan natin ng bahay,” dagdag ng Pangulo.

Ang mga katutubong Aeta ay nasa Crow Valley na bahagi ng lugar kung saan ginagawa ang training exercise ng Philippine Air Force sa Tarlac.

The post Mga katutubo malapit sa kampo militar, pinalilipat ni Duterte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-katutubo-malapit-sa-kampo-militar-pinalilipat-ni-duterte/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-katutubo-malapit-sa-kampo-militar-pinalilipat-ni-duterte)