Nabibitib ang maraming mga magsasaka at mangingisda na dapat sana ay nakikinabang sa P41 bilyong nakalaan para sa direktang pagbili ng pagkain na nakapaloob sa 2021 national budget, ayon kay Senador Francis “Kiko” Pangilinan.

Ito’y dahil naantala ng dalawang taon ang pagpapalabas ng mga patnubay para sa ganap na implementasyon ng Sagip Saka Act ng 2019.

“Maganda sanang stimulus o pantulak itong P41 billion para sa kabuhayan ng ating mga magsasaka at mangingisda, lalo na ngayong pandemya. Nakapaloob itong malaking halagang ito sa national budget ng 2021,” sabi ni Pangilinan.

Ayon sa senador, aandar at gugulong ang ekonomiya sa kanayunan kapag nagastos itong P41 billion para bilhin ang ani at huli ng mga magsasaka at mangingisda.

“Kaya lang, matatapos na ang taon at wala pa ring IRR o implementing rules and regulations ng GPBB. May pera na nakalaan para direktang makabili ang national agencies sa mga magsasaka pero nabibitin pa,” sabi ni Pangilinan, na ang tinutukoy ang Government Procurement Policy Board.

Sa sa IRR ng Sagip Saka, ang mga ahensya ng gobyerno na bibili ng mga produktong agrikultura at pangingisda ay dapat sumunod sa mga patakaran ng negotiated procurement sa ilalim ng Government Procurement Reform Act o Republic Act 9184.

Mandato ng Government Procurement Policy Board (GPPB) ang suriin at amendahan ang mga patnubay ng negotiated procurement para epektibong mapatupad at masuportahan ang Sagip Saka.

Ngunit hindi pa naglalabas ng draft procurement guidelines ang GPPB kahit na ang IRR ng Sagip Saka ay napirmahan na dalawang taon na ang nakakalipas noong Oktubre 2019.

Noong Miyerkules na pagdinig ng Senate Committee on Finance tungkol sa iminumungkahing DBM budget para sa 2022, kinuwestyon ni Pangilinan ang pag-antala sa pag-apruba ng mga patnubay na kailangan upang mapatupad ang probisyon ng Sagip Saka na nag-uutos sa mga pambansa at lokal na ahensya ng gobyerno na bumili direkta sa mga magsasaka at mangingisda para sa mga feeding programs at iba pang programa gaya nito.

“Kinakalampag namin ang pag-apruba ng mga batas at tuntunan para sa direktang pagbili sa mga magsasaka at mangingisda. Sana ay maipaliwanang nila ito. Masyado na itong nakaligtaan. Dapat ito ay para sa mga bibilhin para sa 2021 pero malapit nang matapos ang taon,” sabi ni Pangilina.

“Dati na silang nagpapaliwanang at hanggang ngayon ay nagpapaliwanag pa rin. Talagang parang walang pagmamadali. Sana naman hindi ito sinasadya. Sana hindi ito sadyang pagpapabagal,” dagdag pa niya. (Dindo Matining)

The post Mga magsasaka hindi nakinabang sa P41-B budget para sa direct food purchase first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-magsasaka-hindi-nakinabang-sa-p41-b-budget-para-sa-direct-food-purchase/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-magsasaka-hindi-nakinabang-sa-p41-b-budget-para-sa-direct-food-purchase)