Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Inter-Agency Task Force (IATF) na masusing pag-aralan ang pagluluwag ng quarantine restrictions para dumami pa ang makapagbukas ng negosyo at makabalik na rin sa trabaho ang mga magulang.

Ito’y mkasunod ng desisyon ng gobyernong unti-unti nang buksan ang mga paaralan sa mga low-risk areas o kung saan kakaunti o walang kaso ng COVID-19, hinikayat ni

“Maraming mga magulang ang natengga sa bahay dahil ‘yung iba ay nawalan ng trabaho at ‘yung iba naman ay pinili na lang na manatili sa bahay para gabayan ang mga anak sa distance learning,” sabi ni Gatchalian.

“Sa muling pagbubukas ng mga paaralan, makakabalik na rin sa trabaho ang mga magulang at muling sisigla ang takbo ng ekonomiya kasunod ng inaasahang unti-unting paglawak ng pagbubukas ng mga sektor ng transportasyon, edukasyon at mga sangay na negosyo, pati na ang service sector,” dagdag nito.

Ang pahayag na ito ng Senate Economic Affairs Vice Chairperson ay batay sa isang pag-aaral ng Asian Development Bank (ADB) kung saan napag-alaman na aabot sa P225 bilyon ang katumbas ng kitang nawala sa mga magulang na kumakatawan sa 11% na mga manggagawang apektado ng pandemya sa school year 2020-2021.

“Ang mga magulang ay mga empleyado rin. Batay sa karanasang nakita natin, karamihan sa mga magulang ay napilitan ring manatili sa kanilang mga tahanan at napatigil sa paghahanapbuhay dahil kailangan nilang gabayan ang mga anak nila lalo na doon sa mga isinailalim sa granular lockdown sa Metro Manila,”sabi ng senador.

Sa muling pagbubukas ng ilang mga paaralan, umaasa si Gatchalian na makakabawi na ang mga working parents dahil mabibigyan na rin sila ng panahon na muling makapaghanapbuhay habang nasa eskwelahan ang kanilang mga anak. (Dindo Matining)

The post Mga magulang balik trabaho sa pagbubukas ng mga paaralan – Win first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-magulang-balik-trabaho-sa-pagbubukas-ng-mga-paaralan-win/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-magulang-balik-trabaho-sa-pagbubukas-ng-mga-paaralan-win)