Mistulang nakawala sa hawla ang mga tao sa unang linggo ng Alert Level 3 sa Metro Manila.

Ito ang paghahalintulad ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos sa mga unang araw ng Alert Level 3 matapos dumagsa ang mga tao sa ilang pampublikong lugar at mga pasyalan gaya sa Manila Bay.

Sinabi ni Abalos na nalito aniya ang mga tao subalit sa mga sumunod na araw ay naging maingat na at sumusunod sa social distancing.

“Sa simula talagang dagsaan ang tao, talagang parang nakawala sa hawla, especially doon sa dolomite beaches and then nagkaroon ng konting… nalito sila kung pupuwedeng pumunta sa mall, etc.,” ani Abalos.

Madali naman aniyang makaintindi ang mga tao at sumusunod naman sa mga panuntunan na isang magandang indikasyon para magkaroon ng masayang Pasko ang mga Pinoy.

“We are opening up slowly and as you would see, even dito sa Undas natin medyo naghigpit tayo. We are slowly calibrating, although papunta na tayo roon, konti na lang andoon na ‘yung push natin,” dagdag ni Abalos.

Patuloy aniya nilang oobserbahan ang sitwasyon sa mga susunod na araw para makita ang resulta ng ipinatutupad na Alert Level 3 sa Metro Manila.

The post MMDA: Mga tao sa Metro Manila parang nakawala sa hawla first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mmda-mga-tao-sa-metro-manila-parang-nakawala-sa-hawla/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mmda-mga-tao-sa-metro-manila-parang-nakawala-sa-hawla)