Wala pang plano ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na alisin ang suspensiyon sa number coding sa National Capital Region kahit nagluwag na ng alert level system sa rehiyon.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos na hindi pa normal ang operasyon ng mass transport system at kapag inalis ang suspensiyon ay posibleng makadagdag sa siksikan ng mga bus, jeep, MRT at LRT ang mga motoristang hindi makagamit ng sasakyan ng isang araw.

Pagmumulan aniya muli ito ng posibleng hawaan sa COVID-19 kaya mananatili ang suspensiyon sa number coding.

“Ang ating public transportation hindi pa normal ngayon, yung mga buses natin, mass transport, LRT, habang inaayos po yan, hangga’t maaari ay sinususpinde muna namin ang color coding. Isipin mo kung isa lang ang kotse mo, saan ka sasakay? Sasakay ka sa jeep, sasakay ka sa bus, MRT? Baka magkasiksikan lalo,” ani Abalos.

Ang personal na sasakyan ayon sa MMDA chairman ay personal bubble ng isang indibiduwal na may trabaho sa labas ng kanilang tahanan at kung inalis ito sa isang araw ay posibleng malagay sa peligro ang kaligtasan sa COVID-19.

“So iniisip namin, sige na lang, payagan na lang natin. Yan kasing sasakyan mo personal bubble mo yan eh. Kung pagbabawalan natin, yung ibang may sasakyan, makikiangkas,” dagdag ni Abalos.

Tiniyak ng MMDA chairman na nakabantay naman sila sa takbo ng traffic araw-araw para hindi mahirapan ang mga motorista sakaling magsikip sa trapiko lalo na sa peak hours.

Mas isinaalang-alang aniya ng MMDA ang kaligtasan ng bawat isa sa bagsik ng COVID-19 kaya hindi muna paiiralin ang nakagawiang number coding scheme sa Metro Manila.

“Ang ating traffic naman ay minomonitor araw-araw ng MMDA, mga peak hours sabihin natin medyo nagbabago na, pero sa ngayon sa aming pag-aaral kaya pa po naman. But stay tune, ‘wag mag-alala, ‘yung mga masisikip binabantayan po namin yan. We will constantly monitor the traffic in Metro Manila,” wika ni Abalos.

The post Number coding sa Metro Manila suspendido pa rin first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/number-coding-sa-metro-manila-suspendido-pa-rin/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=number-coding-sa-metro-manila-suspendido-pa-rin)