Naghain ng resolusyon ang Makabayan bloc upang paimbestigahan ang pagtanggal ng mga libro na umano’y may subersibong laman sa library ng mga state university.
Sa House Resolution 2290, ikinumpara ng mga mambabatas ang pangyayari sa ginawa ni Adolf Hitler sa Germany noong 1930s nang ipasunog nito ang mga libro na hindi umano angkop sa mga German.
Batay sa resolusyon, kinuha umano ng mga pulis at sundalo ang mga libre at iba pang babasahin sa library ng Kalinga State University dahil subersibo ang laman ng mga ito.
Noong Setyembre 20 ay nagpatupad naman ng ban si Isabela State University president Ricmar Aquino sa mga “communist” books at ibinigay ang mga ito sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at 502nd Infantry Brigade ng Philippine Army.
Isinuko naman umano ng Aklan State University ang kinukuwestiyong libro sa pulisya.
Sinabi ng mga mambabatas na ang mga libro at babasahing tinutukoy ay naglalaman ng peace negotiation sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front (NDF).
Iniugnay ng mga mambabatas sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang hakbang na pagtanggal sa mga babasahin.
“Figuratively, these book confiscation and removal by government security forces and the said SUCs can also be considered as book burning, as the same have the same purposes of Hitlerian action of outright censorship and attacking one’s freedom of thought, in pursuit of an oppressive scheme, like the Duterte government’s counter insurgency program,” sabi sa resolusyon. (Billy Begas)
The post Pag-alis ng ‘makakaliwang’ libro sa mga state u pinaiimbestigahan first appeared on Abante TNT Breaking News.Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pag-alis-ng-makakaliwang-libro-sa-mga-state-u-pinaiimbestigahan/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pag-alis-ng-makakaliwang-libro-sa-mga-state-u-pinaiimbestigahan)
0 Mga Komento