Posible umanong mabuhay ang orihinal na Go-Duterte tandem na binibida ng PDP-Laban Cusi faction sakaling magbago ang isip ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sinabi niyang pagreretiro sa politika.
Matatandaang ang unang ninomina ng PDP-Laban faction na pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi bilang maging standard-bearer ng partido si Senador Bong Go, habang vice presidential candidate naman si Duterte.
Tinanggap pa ng pangulo ang nominasyon na tumakbong bise presidente, ngunit sa paghahain ng certificate of candidacy (COC) ay si Go ang tatakbong pangalawang pangulo, dahil magreretiro na raw si Duterte.
Ngunit bukas pa rin si Cusi sa pag-asang mabuhay ang Go-Duterte tandem.
“Kung magbabago ang isip ni Pangulong Duterte, we will go back to our plan 1, the original plan namin and that will be Bong Go-Duterte,” pahayag ni Cusi. “Sa ngayon, ayaw niya (Duterte).”
Samantala, ang naghain ng COC para maging presidential aspirant ng partido ay si Sen. Bato Dela Rosa.
Inaabangan pa rin ang Nobyembre 15 na deadline para sa pagpapalit ng mga kandidato, sapagkat may ilan pa ring umaasa na tatakbo si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio bilang pangulo, bagamat ilang ulit na itong nagsabi na hindi siya sasabak sa presidential race. (mjd)
The post ‘Pag binawi pagreretiro: Go-Duterte tandem bubuhayin – Cusi first appeared on Abante TNT Breaking News.Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pag-binawi-pagreretiro-go-duterte-tandem-bubuhayin-cusi/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pag-binawi-pagreretiro-go-duterte-tandem-bubuhayin-cusi)
0 Mga Komento