Nanawagan si Senador Win Gatchalian sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at mga local government units (LGUs) na tulungan ang Department of Education (DepEd) sa mas mabilis na pagpapabakuna ng mga guro laban sa COVID-19 lalo na’t nakatakdang simulan ang pilot test ng limited face-to-face classes sa Nobyembre 15.

Sa pagdinig ng Senado sa paghahanda ng pamahalaan para sa limited face-to-face classes, iniulat ni DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan na halos animnapung (57) porsyento na ng mga guro ang nabakunahan kontra COVID-19.

Katumbas nito ang limang daan at walumpung libong (580,000) mga guro sa halos isang milyong (970,000) mga guro at non-teaching personnel.

“Alam kong may mga lokal na pamahalaan na nakikipagtulungan sa kanilang mga lokal na distrito o division upang mabigyang prayoridad ang pagbabakuna ng mga guro laban sa COVID-19. Malaki ang maaaring maging papel ng DILG sa paghikayat o pagsulong sa ganitong uring mga ugnayan,” sabi ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Tiniyak naman ni DILG Undersecretary Ricojudge Echiverri na ang kagawaran ay makikipagtutulungan sa DepEd upang mapabilis ang pagpapabakuna ng mga guro.

Dagdag pa ng opisyal, titignan at susuriin ng ahensya ang datos mula sa mga LGU pagdating sa mga gurong nabakunahan na. Ang datos na ito ay pagbabanggain sa datos na nakalap ng DepEd.

Para matapos ang pagbabakuna ng mga guro, tiniyak din ni Undersecretary Malaluan na ipapatupad ng DepEd ang institutional approach sa pagpapabakuna.

Makikipagtulungan din aniya ang kagawaran sa National Task Force (NTF) Against COVID-19. Ang mga guro ay kabilang sa A4 priority list sa COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.

“Hindi pagkukulang ng guro kung gusto niyang pumunta sa paaralan ngunit hindi pa siya nakakatanggap ng bakuna. Kaya dapat nating bigyan ng prayoridad ang ating mga guro lalo na’t ang layunin natin ay makabalik sa face-to-face classes,” sabi pa ni Gatchalian. (Dindo Matining)

The post Pagbabakuna sa mga guro madaliin para sa limitadong face-to-face classes first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pagbabakuna-sa-mga-guro-madaliin-para-sa-limitadong-face-to-face-classes/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pagbabakuna-sa-mga-guro-madaliin-para-sa-limitadong-face-to-face-classes)