Naghain si Senador Win Gatchalian ng panukala na ipagbawal na ang pagpapalit sa kandidatong nagdesisyong umatras sa pagtakbo sa halalan.

Sa pangunguna ni Gatchalian, tumatayong co-author sina Senate Majority Leader Migz Zubiri, Sen. Nancy Binay, Sen. Grace Poe, at Sen. Joel Villanueva.

Pinapayagan ng Omnibus Election Code, sa ilalim ng Section 77 nito, ang pagpapalit ng opisyal na kandidato ng isang rehistrado o kinikilalang political party sakaling siya ay mamatay, ma-disqualify o umatras sa halalan.

Subalit, ayon kay Gatchalian, madalas na sinasamantala ang withdrawal o pagbawi ng certificate of candidacy (COC) para makapagpalit ng kandidato at ito’y paglapastangan sa pagiging seryoso sa proseso ng paghahain ng kandidatura.

Sa inihaing panukalang amyenda sa Omnibus Election Code, ipinanukala ni Gatchalian na maaaring bawiin ng isang kandidato ang kanyang COC kung siya ay maging “incapacitated” o wala nang kakayahang tumakbo o manungkulan.

“Sagrado ang balota. Kaya dapat lamang na pahalagahan natin ang paghahain ng kandidatura tuwing eleksyon. Isang pribilehiyo ang makapagsilbi sa bayan kaya dapat lamang na ang personalidad na unang napili ng partido ay buo na ang loob na tumakbo,” sabi ni Gatchalian.

“Maliwanag ang intensyon ng batas. Ito ay ang gawing mas maayos ang ating halalan at transparent. Naaabuso lang ng iba. Kapag nag-file ka, ‘yun na, hindi na dapat palitan. Papalitan ka lang kung ikaw ay namatay o kung ikaw ay na-disqualify,” dagdag pa niya.

Paliwanag ni Gatchalian na layon ng batas na mapalakas at mapatatag ang political party system at maging mas patas ang pagsasagawa ng eleksyon sa bansa kung kaya’t nagkaroon ng limitasyon sa probisyon sa pagpapalit ng mga kumakandidato sa halalan.

Bago pa man ang opisyal na paghahain ng COCs, sinabi ni Gatchalian na karaniwan nang sinusuri muna ng mga partido ang kanilang mga miyembro batay sa kakayahan at kwalipikasyon pati na rin ang kagustuhan, sinseridad at kapasyahan nito na kumakatawan sa lalahukang posisyon at saka sila magdedesisyon sa nominasyon sa pagiging standard bearers, mapa lokal man o national na posisyon. (Dindo Matining)

The post Pagbabawal sa substitution rule isusulong sa Senado first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pagbabawal-sa-substitution-rule-isusulong-sa-senado/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pagbabawal-sa-substitution-rule-isusulong-sa-senado)