Umaasa ang chairperson ng House Committee on Transportation na mapipirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang Motorcycle-for-Hire Act bago matapos ang taon.

Ayon kay Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento, isa itong magandang pamasko sa maraming rider na makakabiyahe na ng legal.

“This would be a perfect Christmas gift for our thousands of motorcycle-for-hire riders. This law would surely free them from worries caused by possible policy shifts and law enforcement abuse,” sabi ni Sarmiento.

Naaprubahan na ng Senado ang kaparehong panukala.

Inaprubahan naman ng komite ni Sarmiento ang panukala noong nakaraang linggo. Inaasahan na isasalang ito sa ikalawa at ikatlong pagbasa ng Kamara de Representantes kapag muling nagbukas ang sesyon sa susunod na buwan.

Ipinunto ni Sarmiento na ang motorcycle taxi at motorcycle delivery service ay isa sa pinakamalaking job generating industry sa bansa na lalong lumakas nang magkaroon ng pandemya.

Hindi lamang umano ang mga mananakay ang mabibigyang proteksyon ng panukala kundi maging ang mga rider.

Magtatakda ang Department of Transportation sa tulong ng Department of Trade and Industry-Bureau of Philippine Standards (DTI-BPS) at Land Transportation Office ng standard at specification kung anong motorsiklo lamang ang maaaring ibiyahe. (Billy Begas)

The post Pagpirma sa motorcycle-for-hire bill hiling ng solon first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pagpirma-sa-motorcycle-for-hire-bill-hiling-ng-solon/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pagpirma-sa-motorcycle-for-hire-bill-hiling-ng-solon)