Inendorso ng House Committees on Basic Education and Culture at on Appropriations sa plenaryo ang pagpasa ng panukala na magpapalakas sa mental health service sa mga pampublikong paaralan ng elementarya at high school.

Ang committee report ng panukalang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (House Bill 10327) ay isinumite na sa House Committee on Rules upang maisama sa pag-uusapang mga panukala sa sesyon ng plenaryo.

Sa ilalim ng panukala, magtatayo ng Mental health and well-being office na isasailalim sa pangangasiwa ng Department of Education (DepEd) sa bawat school division.

Kukuha rin ang DepEd ng mga Guidance Counselors at Guidance Service Specialist na ang dami ay ibabatay sa guidelines na ilalabas ng ahensya batay sa magiging resulta ng pakikipag-usap nito sa Department of Health, Civil Service Commission (CSC) at Department of Budget and Management (DBM).

Ang kakailanganing pondo ay isasama sa taunang budget ng DepEd.

Sa ilalim ng panukala ay papayagan ang DepEd na kumuha ng mga nagtapos sa kursong psychology at mga katulad na larangan kahit hindi pa kuwalipikadong mental health professionals ang mga ito sa ilalim ng Guidance and Counseling Act of 2004 (RA 9258) pero handang sumailalim sa pagsasanay ng DepEd at kuwalipikadong mental health professionals. (Billy Begas)

The post Panukala na magpapalakas sa mental health service sa basic education umusad na first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/panukala-na-magpapalakas-sa-mental-health-service-sa-basic-education-umusad-na/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=panukala-na-magpapalakas-sa-mental-health-service-sa-basic-education-umusad-na)