Pinalawig ng Inter-Agency Task Force (IATF) hanggang Oktubre 15, 2021 ang pilot implementation ng alert level system sa National Capital Region (NCR).

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na mangangahulugan ito na mananatili ang alert level 4 sa Metro Manila hanggang sa kalagitnaan ng Oktubre.

Kasabay nito inaprubahan din ng IATF ang rekomendasyon na dagdagan ng 10% ang indoor capacity ng dine-in services, religious services at personal care services para sa lahat ng nakakumpleto na ng kanilang COVID vaccine kaya magiging 20% na ito simula ngayong Biyernes.

Lahat ng mga establisimentong pinayagang mag-operate sa ilalim ng alert level 4 na may safety seal certification ay may dagdag na 10 percent venue capacity.

“The IATF in its September 30 meeting ,decided to extend the pilot implementation of the Alert Level System in the National Capital Region until October 15,2021,” ani Roque.

May go signal na rin ng IATF ang pagbubukas ng fitness studios at gyms sa 20% limited capacity para sa mga bakunadong indibidwal.

Kinakailangan ding kumpleto na sa COVID vaccine ang lahat ng gym staff, at naka-face mask ang mga ito pati na ang mga customer at hindi papayagan ang grupong aktibidad sa gym. (Aileen Taliping)

The post Pilot implementation ng alert level system sa NCR pinalawig first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pilot-implementation-ng-alert-level-system-sa-ncr-pinalawig/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pilot-implementation-ng-alert-level-system-sa-ncr-pinalawig)