Magbitiw na sa puwesto si Secretary Manny Piñol bilang Chairman ng Mindanao Development Authority para tumakbo sa pagka-senador sa darating na 2022 elections.

Sa kanyang account sa Facebook, sinabi ni Piñol na isinumite nito ang kanyang resignation letter kay Pangulong Rodrigo Duterte noong nakalipas na linggo na magiging epektibo October 5, 2021.

Pinasalamatan ni Piñol si Pangulong Duterte sa pagkakataong ibinigay sa kanya para makapaglingkod sa gobyerno bilang kalihim ng Department of Agriculture at Chairman ng Mindanao Development Authority.

“Last week, I wrote President Rody Duterte a letter tendering my resignation as a member of his Cabinet effective at the end of the hours on October 5,” ani Piñol.

Tatakbo si Piñol sa pagka-senador sa ilalim ng partido ng Nationalist People’s Coalition (NPC) kung saan ang standard bearer ay si Senador Panfilo Lacson.

Sinabi ni Piñol na nagpasya siyang tumakbo sa pagka-senador para maipagpatuloy ang kanyang adbokasiya sa agrikultura at mapangalagaan ang mga magsasaka at mangingisda.

Kung may mga nagtataka kung bakit hindi siya isinama sa tiket ng administrasyon, sinabi ni Piñol na ang dapat sumagot nito ay ang Cusi faction ng PDP-Laban.

“Simula’t-simula ay hindi man lang isinama ang ngalan ko sa listahan samantalang nababasa naman nila sa social media na merong kilusan ang mga batang magsasaka na humihimok sa akin na tumakbo nilang senador,” dagdag ni Piñol. (Aileen Taliping)

The post Piñol nagbitiw bilang MDA chairman first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pinol-nagbitiw-bilang-mda-chairman/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pinol-nagbitiw-bilang-mda-chairman)