Nanawagan ni Senadora Grace Poe sa Malacañang na ikonsidera ang pagsususpinde ng koleksyon sa excise tax sa gasolina at diesel.

Ito ay para mabawasan ang pahirap sa mga tsuper ng jeep, delivery rider at sa mga nagbibiyahe ng ani ng mga magsasaka sa palengke sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Naipasa ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law noong 2017 na nagpapatong ng excise tax sa mga produktong petrolyo umpisa noong 2018. Nagsimula ang excise tax sa diesel sa P2.50 kada litro noong Enero 2018, tumaas sa P4.50 noong Enero 1, 2019, at sa P6 kada litro noong Enero 1, 2020.

Para sa gasolina, nag-umpisa ang excise tax sa P8 kada litro noong Enero 2018, tumaas sa P9 noong Enero 2019, at sa P10 kada litro noong Enero 2020.

“Patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis sa walong magkakasunod na linggo. Mapapababa ng pamahalaan ang pabigat na ito sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng pagsuspinde sa koleksyon ng excise tax sa ngayon,” saad ni Poe.

Nabatid na pinakamalaking gastusin ng mga Pilipino ay nakalaan sa pagkain at transportasyon.

“Makakatulong ang suspensyon ng excise tax sa petrolyo sa paglaban sa gutom, pagtulong sa mga PUV driver at delivery rider at pagbiyahe ng mga produkto,” ayon pa kay Poe.

Kung napababa natin ang income tax ng mga kumpanyang kumikita ng milyun-milyon, dapat hindi maging mahirap ang pansamantalang pagsuspinde sa koleksyon ng excise tax sa produktong petrolyo.

The post Poe sa Palasyo: Suspendihin excise tax sa gas, diesel first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/poe-sa-palasyo-suspendihin-excise-tax-sa-gas-diesel/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=poe-sa-palasyo-suspendihin-excise-tax-sa-gas-diesel)