Nababahala si Senador Win Gatchalian sa pagbaba ng P8.7 bilyon sa pondo ng Senior High School Voucher Program (SHS-VP) para sa taong 2022.

Sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act (GAA), mahigit P25.2 bilyon ang nakalaan para sa SHS-VP.

Kabilang dito ang mahigit P11.5 bilyon sa ilalim ng ‘Unprogrammed Appropriations,’ kung saan umabot na sa P4.8 bilyon ang nailabas ng DepEd noong Setyembre 2021.

Ngunit sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa 2022, mahigit P16.5 bilyon lamang ang nakalaan sa programa.

Tinatayang mababawasan ng 33,883 ang mga benepisyaryo ng programa sa susunod na taon kung hindi magbabago ang panukalang budget.

Target ng programang magkaroon ng 1.38 milyong mga benepisyaryo para sa taong 2022.

Halos P24.4 bilyon ang kinakailangan dito, o P12.3 bilyon kada semestre. Kung magkakaroon ng P24.6 bilyong pondo ang programa, mapopondohan ang ikalawang semestre ng School Year (SY) 2021-2022 at ang unang semestre ng SY 2022-2023.

Kung ang 2021 GAA ang gagamiting batayan, kada voucher ay katumbas ng P17,793.

Sa ilalim ng 2021 budget, may P5.9 bilyon pa ang nakalaan para sa unang semestre ng SY 2021-2022, ngunit kukulangin pa rin ito ng P6.7 bilyon.

Kung ang kulang na pondong ito ay pupunan gamit ang P16.5 bilyon para sa taong 2022, mahigit siyam na libong piso na lang ang matitira sa programa at hindi na ito sasapat para pondohan ang isang semestre ng SHS-VP.

Ang SHS VP ay isang programang tulong-pinansyal sa mga nangangailangan ngunit kwalipikadong mga mag-aaral sa senior high school upang makapag-aral sila sa mga pribadong paaralan, o kaya sa mga state and local universities and colleges.

The post Pondo kulang para sa voucher ng SHS – Gatchalian first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pondo-kulang-para-sa-voucher-ng-shs-gatchalian/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pondo-kulang-para-sa-voucher-ng-shs-gatchalian)