Umakyat na ng P16.50 ang itinaas ng kada litro ng diesel ngayong taon, ayon sa isang opisyal ng Department of Energy (DOE).
Sinabi ni Oil Industry Management Bureau director Rino Abad sa nakaraang pagdinig ng House Committee on Transportation na sa pagpasok ng 2021 ay P32.70 ang presyo ng kada litro ng diesel.
“Ngayon po…. ay P49.20 from P32.70 nung magsimula ang taon,” sabi ni Abad.
Nagsagawa ang komite ng pagdinig kaugnay ng apela ng mga jeepney driver at operator na itaas ang minimum na pasahe.
Ang diesel ang pangunahing ginagamit ng mga public utility vehicles (PUV).
Ang presyo naman ng gasolina ay tumaas na ng P17.85 kada litro o mula P41.98 sa simula ng taon ay umakyat na sa P59.83 kada litro batay sa pagtaas noong Martes.
“Sa kerosene po P40.37 nung start ng taon…. P54.56 na po, and then sa LPG P68.73 per kilo ng magsimula ang taon ngayon nasa 88.97 per kilo,” dagdag pa ni Rino.
Umapela ang mga jeepney driver at operator sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na dagdagan ng P3 ang minimum na pasahe.
Nakikipag-ugnayan naman ang LTFRB sa DOE para sa isang programa na makatutulong sa mga driver at operator upang maiwasan ang dagdag sa pasahe.
Batay sa inisyal na kalkulasyon, muling tataas ang presyo ng produktong petrolyo ngayong linggo. (Billy Begas)
The post Presyo ng diesel lumobo ng P16.50/litro ngayong taon first appeared on Abante TNT Breaking News.Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/presyo-ng-diesel-lumobo-ng-p16-50-litro-ngayong-taon/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=presyo-ng-diesel-lumobo-ng-p16-50-litro-ngayong-taon)
0 Mga Komento