Kinumpirma ni senatorial aspirant Raffy Tulfo na tinanggap niya ang alok ng kampo ni Senador Ping Lacson na maging guest candidate ng kanilang senatorial lineup para sa 2022 elections.
Matatandaang noong nakaraang linggo ay naglabas ang tandem nina Lacson at vice presidential aspirant Senator Tito Sotto ng 14 pangalan na maaaring mapasama sa kanilang senatorial slate.
Bagamat wala sa nasabing listahan si Tulfo, inamin ng broadcaster ngayong Lunes na inalok siya ni Lacson at tinanggap niya ito.
“Yes… I just did, noong Saturday tinanggap ko yung offer ng kampo ni Senator Ping Lacson na maging guest candidate nila,” pahayag ni Tulfo sa panayam ng ANC.
Bago ito, napabilang na rin si Tulfo sa senatorial slate ni Senador Manny Pacquiao.
Si Tulfo ay naghain ng kanyang certificate of candidacy bilang independent candidate.
Bukod sa senatorial slate ng team Pacquiao at Lacson-Sotto tandem ay sinabi rin ni Tulfo na bukas siya, ngunit pinag-aaralan niya pa, ang posibilidad na mapasama sa senate slates ng presidential aspirants na sina Manila Mayor Isko Moreno at dating Senador Bongbong Marcos. (mjd)
The post Raffy Tulfo inampon ng Lacson-Sotto tandem first appeared on Abante TNT Breaking News.Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/raffy-tulfo-inampon-ng-lacson-sotto-tandem/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=raffy-tulfo-inampon-ng-lacson-sotto-tandem)
0 Mga Komento