Kumalas na si Rep. Ronnie Ong sa Ang Probinsyano party-list.
Wala na ang pangalan ni Ong sa mga nominee na isinumite ng Ang Probinsyano sa Commission on Elections (Comelec) para sa May 2022 elections.
Kalat ang balita na umalis si Ong dahil hindi nito nagustuhan ang pamamalakad sa partido.
Marami ang nagulat sa pag-alis ni Ong dahil siya umano ang nakipag-usap sa pamilya ng namayapang si Fernando Poe Jr., at sa aktor na si Coco Martin upang magamit ang pangalang Ang Probinsyano ng partido.
Ang Ang Probinsyano ay titulo ng pelikula ni Poe noong 90s kung saan ibinatay ang television series ng ABS-CBN na pinagbibidahan ni Martin.
Nanatiling si Rep. Alfred delos Santos ang number one nominee ng partido. Batay sa lumabas na ulat ang iba pang nominee ay sina Carolyn Lapid, Edward Delos Santos, Michael Chua, at Jay Dela Cuesta
Noong 2019 elections ay dalawang upuan ang nakuha ng Ang Probinsyano sa Kamara de Representantes.
Bago pa man umupo noong Hulyo 2019 ay sumikat na ang Ang Probinsyano kaugnay ng panununtok umano ni delos Santos ng isang empleyado ng Biggs Diner sa Legazpi, Albay.
Ang pangyayari ay nakuhanan ng CCTV.
Batay sa mga lumabas na ulat, sinabi ng spokesman ng partido na si Atty. Joco Sabio na mayroong isasagawang imbestigasyon at maaaring maparusahan si delos Santos sa kanyang nagawa.
Humingi ng paumanhin si delos Santos kay sa empleyadong si Christian Kent Alejo at kanyang pamilya.
“I have no excuse, only regret and the promise that it will not happen again. This single incident does not represent me or my values, and I will prove it by working hard to deliver our party platform and campaign promises to fellow probinsyanos, and from hereon conduct myself as an exemplary public servant worthy of the trust and confidence our people placed on us last election,” sabi ni delos Santos.
Matapos ito ay lumamig ang isyu at wala ng lumabas na balita kung napatawan ng parusa ng partido si delos Santos. (Billy Begas)
The post Rep. Ronnie Ong kumalas na sa Ang Probinsyano party-list first appeared on Abante TNT Breaking News.Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/rep-ronnie-ong-kumalas-na-sa-ang-probinsyano-party-list/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=rep-ronnie-ong-kumalas-na-sa-ang-probinsyano-party-list)
0 Mga Komento