Pinayuhan ng kampo ni Bise Presidente Leni Robredo si vice presidential candidate Rep. Lito Atienza na mag-Facebook o magbasa ng balita upang malaman kung ano ang ambag ng bise presidente sa bansa.

Kasabay ito ng banat ni Atienza kung saan kinwestyon nito ang mga nagawa ni Robredo at kung bakit pa nito naiisipang tumakbong presidente.

Payo ni Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo, kay Atienza, mag-Facebook siya o manood ng balita.

“Klarong-klaro lahat ng proyekto, lahat ng mga natulungan, lahat ng mga kilos na ginawa ni VP Leni at ng kanyang opisina mula 2016. Tapos lalo na itong nakaraang 18 months mula noong nagkaroon tayo ng problema sa COVID-19,” wika ni Gutierrez.

“Klarong nakasaad lahat ‘yun sa Facebook page pero maski kahit hindi sa Facebook page magbasa ka lang ng mga lumalabas na news articles,” dugtong pa niya.

Lumikha ng ingay si Atienza matapos ang surpresang pag-file ng certificate of candidacy bilang running mate ni Senador Manny Pacquiao.

Bago pa si Gutierrez, rumesbak sa social media ang mga taga-suporta ni Robredo upang ipamukha kay Atienza ang mga nagawa nito.

“Hindi ito pagmamalaki, hindi ito pagbubuhat ng bangko pero pagseset lang ng record kasi ang daming paninira,” dugtong pa ni Gutierrez. (mjd)

The post Robredo camp kay Atienza: Mag FB ka o manood balita! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/robredo-camp-kay-atienza-mag-fb-ka-o-manood-balita/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=robredo-camp-kay-atienza-mag-fb-ka-o-manood-balita)