May preliminary findings na ang Senate blue ribbon committee sa kanilang imbestigasyon sa kontrobersyal na pagbili ng COVID-19 medical supply noong 2020.

Sa partial report ng komite, inirerekomenda nilang kasuhan ng paglabag sa anti-graft law ang nagbitiw na si dating Budget Undersecretary Christopher Lao at dating pinuno ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) Warren Liong.

Kasama rin sa pakakasuhan graft ang mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na sina Twinkle Dargani [President] Mohit Dargani [Corporate Secretary], director Linconn Ong at Krizle Grace Mago, head ng regulatory affairs.

Inirerekomenda din ng komite na kasuhan ng fraud sina Lao at Liong na kasalukuyang Overall Deputy Ombudsman.

Pinakakasuhan din ng komite ng estafa sina Mago at Liong. Sina Mago, kasama sina Ong and Yang, ay maaari ring kasuhan ng perjury.

Bukod diyan, inirerekomenda rin ng komite na kasuhan ng falsification of public documents sina Liong, dating PS-DBM inspector Jorge Mendoza at kasalukuyang PS-DBM inspector Mervin Ian Tanquintic.

Kasama rin sa preliminary findings ang paglabag sa Bayanihan to Heal As One Act nina Yang, Ong, Daragani at Mago.

Maliban pagsasampa ng kaso, isusulong din ng komite ang pagpapa-deport laban sa dating presidential economic adviser na si Michael Yang.

Ang Pharmally ang sentro ng pagdinig ng Senado matapos makakuha ng kontrata sa gobyerno na mahigit P8.7 bilyon sa kabila ng bagong kompanya lang ito na may paid capital na P625,000 lamang.

Ilan sa mga isyung ibinabato sa Pharmally ang diumano’y overpriced na face shield at face masks, pagbabago ng medical-grade ng face shield at ang anomalya sa pag-deliver na nasabing mga medical supply.

The post Senado tatadtarin ng kaso mga Pharmally exec first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/senado-tatadtarin-ng-kaso-mga-pharmally-exec/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=senado-tatadtarin-ng-kaso-mga-pharmally-exec)