Mga indibiduwal na bakunado laban sa coronavirus lamang ang papayagang makanood sa mga sinehan sa sandaling magsimula na ang operasyon nito sa Metro Manila.
Ito ang inihayag sa Laging Handa press briefing ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ireneo Vizmonte kasunod ng pagsisimula ng Alert Level 3 sa Oktubre 16 sa National Capital Region.
Ayon kay Vizmonte, bukod sa mga bakunado, kailangan ding fully vaccinated ang mga staff ng sinehan pati na ang mga establisyimentong nasa paligid mismo nito gaya ng mga nagtitinda ng snacks.
“Kailangan po vaccinated yung mga patrons and customers dito gayundin ang mga worker sa nasabing business establishments, kailangan po sila ay bakunado rin,” ani Vizmonte.
Para aniya masigurong nasusunod ang health protocols habang nasa loob ng sinehan, sinabi ng opisyal na magtatalaga ng safety officers.
Kailangan pa rin aniyang magsuot ng face mask at face shield kung kinakailangan at ang pagsunod sa social distancing.
“Magkakaroon po ng safety officer — ito po yung magbabantay at sinisigurado nila na iyong mga tao, iyong mga customer ay sumusunod sa health protocols,” dagdag ni Vizmonte.
Pero sinabi ng opisyal na hindi agad-agad magbubukas ang mga sinehan dahil kailangan pang gawin ang mga paghahanda para maging naaayon ang pagbubukas para sa kaligtasan ng mga manonood.
The post Sinehan para sa mga bakunado lang first appeared on Abante TNT Breaking News.Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/sinehan-para-sa-mga-bakunado-lang/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=sinehan-para-sa-mga-bakunado-lang)
0 Mga Komento