Mayroon na umanong plano ang grupo ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor para muling mapaangat ang Quezon City na lubhang tinamaan ng epekto ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Defensor na tatlong programa ang inihanda ng kanyang grupo at una rito ang pagbibigay ng ayuda na nagkakahalaga ng P3 bilyon sa mga nawalan ng trabaho at pinagkakakitaan, medical frontliner, guro, pulis at iba pang tauhan ng gobyerno.

“We will hit the ground running on Day 1 of our stewardship of the city,” sabi ni Defensor na tatakbo sa pagka-alkalde kasama ang kanyang running mate na si Councilor Winnie Castelo.

Ang ikalawang bahagi ng plano ay ang pagbibigay ng tax at non-tax incentive sa mga negosyo lalo na ang mga small and medium-scale enterprise sa siyudad.

Ang huling bahagi naman ay ang P9 bilyong infrastructure program na lilikha ng mapapasukang trabaho at pandemic response para mabawasan ang kaso ng COVID-19 sa lungsod at maproteksyunan ang residente laban sa virus.

Ayon kay Defensor aabot ng P17 bilyon ang economic recovery roadmap na ito.

“That’s the initial amount of benefits city residents will get. It’s our way of giving back to them,” dagdag pa ni Defensor.

Ikinalungkot naman ni Castelo ang pananatili umano ng Quezon City bilang may pinakamaraming naitatalang COVID-19 cases araw-araw.

“Surely, there are better ways of doing or improving pandemic responses, which the city’s current leadership has failed to implement,” sabi ni Castelo.

Hindi umano dahilan na ang Quezon City ang siyudad na may pinakamalaking populasyon sa Metro Manila kaya nangunguna ito sa may pinakamaraming kaso dahil mayroong mga paraan na magagawa upang malimitahan umano ang pagkalat ng virus. (Billy Begas)

The post Team Defensor may plano sa QC first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/team-defensor-may-plano-sa-qc/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=team-defensor-may-plano-sa-qc)