Muling kinuwestyon ni Senador Win Gatchalian ang pinansyal na estado ng Udenna Corp. matapos suspendihin ang pag-aari nitong PH Resorts Group Holdings Inc., isang casino project sa Clark dahil sa pagkalubog sa utang.

Ginawa ni Gatchalian ang pahayag habang sumasailalim sa pagsusuri ng gobyerno ang financial capacity ng Udenna Corporation kasunod ng pagbili nito sa stake ng Shell Philippines Exploration B.V. (SPEX) sa Malampaya gas field,

“Maliwanag na red flag ito sa tunay na estado ng Udenna. Paano natin mapagkakatiwalaan ang kumpanyang lubog sa utang? Una, nabili ng Udenna ang 45% stake ng Chevron sa Malampaya sa pamamagitan ng loans. Ngayon, gusto naman ng Udenna na mapasakamay nito ang stake ng SPEX na siyang operator mismo ng Malampaya,” sabi ni Gatchalian.

“Hindi isang ordinaryong asset ang Malampaya. Kaya kailangang siguruhin natin na anumang transaksyon na may kinalaman dito ay dapat dumaan sa masusing pagsusuri at due diligence ng gobyerno upang magarantiya sa mga kababayan natin na ang sinuman na papalit na kumpanya ay talagang kwalipikado at may kakayahang magsuplay ng kuryente,” dagdag pa niya.

Pinupunan ng Malampaya ang aabot sa 26% na pangangailangang suplay ng kuryente o tinatayang 3.7 milyong sambahayan sa Luzon.

Sa isang pagdinig na isinagawa ng Senado noong Hulyo, sinabi ni Philippine National Oil Company-Exploration Corp. (PNOC-EC) president and chief executive officer Rozzano Briguez sa Energy Committee na ang $375 milyon sa kabuuang $565 milyong ipinambili sa Chevron ng UC Malampaya Philippines Pte. Ltd. na isang kumpanya sa ilalim ng Udenna Corp. ay inutang mula sa tatlong bangko at ang natitirang $157 milyon ay nagmula sa “net entitlements” ng Malampaya samantalang ang $33 milyon naman ay galing sa stock issuance ng kumpanya.

Ang PNOC-EC ay nagmamay-ari ng 10% ng Malampaya project.

MNapabalita noong Mayo ang paglagda sa kasunduan ng Shell Petroleum NV at Malampaya Energy XP Pte Ltd., isang subsidiary company ng Udenna Corp., kaugnay ng bentahan sa stake ng Shell sa Malampaya.

Batay sa mga ulat, popondohan ng foreign banks ang ipambibili ng negosyanteng si Dennis Uy, may-ari ng Udenna, sa SPEX. Ang natukoy na foreign banks rin mismo umano ang nagpondo sa ipinambili ni Uy sa stake ng Chevron sa Malampaya.

Samantala sa isyu ng PH Resorts Group, napabalitang umabot na sa P7.2 milyon ang utang ng naturang kumpanya at tinaningan na ito ng mga creditor banks, bagay na naging dahilan upang isuspende muna ang casino project sa Clark. (Dindo Matining)

The post Udenna Corp. lubog sa utang, mahirap pagkatiwalaan – Gatchalian first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/udenna-corp-lubog-sa-utang-mahirap-pagkatiwalaan-gatchalian/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=udenna-corp-lubog-sa-utang-mahirap-pagkatiwalaan-gatchalian)