Kumpiyansa si Deputy Speaker at Valenzuela City Rep. Wes Gatchalian na makalilikha ng mga Olympic medalist ang bagong bukas na Wellness Entertainment and Sports (WES) Arena.

“Naniniwala ako na isang araw, mula sa arena na ito ay may susunod pa sa yapak at maabot ang kaparehong tagumpay na natamo ng medalists ng ating bansa sa nakaraang Tokyo Olympics,” sabi ni Gatchalian.

Ang WES Arena ay itinayo sa 1.2 ektaryang lupa sa Barangay Punturin. Mayroon itong laruan ng basketball, badminton, volleyball, boxing, at martial arts bukod pa sa dance studio, darts area, chess tables, billiards tables, food kiosks, medical clinic, VIP holding room, referee room, dugout, at mga locker room.

Habang limitado pa ang pagdaraos ng indoor activity bilang bahagi ng kampanya laban sa pagkalat ng COVID-19, sinabi ni Gatchalian na gagamitin muna ang arena bilang vaccination site.

Kaya umano mabakunahan sa lugar ang 2,000 indibiduwal kada araw.

“Kaya naman ang pansamantalang pag-convert ng pasilidad na ito ay maituturing na kontribusyon natin sa layuning mapabilis ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa ating mga mamamayan para maabot ang herd immunity,” dagdag pa ni Gatchalian.

Target ng Valenzuela City na mabakunahan ang 476,000 residente nito. Umaabot na umano sa 59% o 280,306 Valenzuelanon ang fully vaccinated na.

The post WES Arena huhubog ng mga Olympic medalist first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/wes-arena-huhubog-ng-mga-olympic-medalist/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=wes-arena-huhubog-ng-mga-olympic-medalist)